Nahuli ng mga awtoridad ang isang lalaking kabilang sa listahan ng mga pangunahing wanted person sa bayan ng Bolinao sa isinagawang operasyon noong Agosto 10.
Ang 21-anyos na suspek, na residente rin ng bayan, ay nakatala bilang Top 4 Most Wanted Person sa municipal level, ayon sa pulisya.
Isinagawa ng Bolinao Police Station ang pag-aresto sa bisa ng warrant na inilabas kaugnay ng kasong paglabag sa Section 12, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Saklaw ng naturang probisyon ang ilegal na pag-iingat o possession ng mga kagamitan at paraphernalia na ginagamit kaugnay ng dangerous drugs.
Matapos maaresto, dinala ang suspek sa Bolinao Police Station para sa dokumentasyon at pagsasailalim sa kaukulang legal na proseso.
Ayon sa impormasyong inilabas ng pulisya, walang piyansang inirekomenda sa warrant of arrest na ipinatupad laban sa 21-anyos.
Samantala, sinabi ni PCOL Dennis L. De Leon, Officer-in-Charge ng Pangasinan Police Provincial Office, na magpapatuloy ang pagtugis sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Kasabay nito, nagpapatuloy din ang mga operasyon ng kapulisan laban sa ilegal na droga at iba pang kriminalidad sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










