Monday, August 3, 2026

PDRRMO, NAGBABALA SA POSIBLENG TULOY-TULOY NA PAG-ULAN SA PANGASINAN

Nagbabala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa posibilidad ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa ilang bahagi ng lalawigan habang patuloy na nakaaapekto ang Tropical Depression Luis at ang southwest monsoon o habagat.

Batay sa weather outlook ng PAGASA, inaasahang makararanas ang Pangasinan ng 50 hanggang 100 milimetro ng ulan mula ngayong Linggo hanggang Lunes ng hapon dahil sa Tropical Depression Luis. Posible ring magpatuloy ang pag-ulan hanggang kalagitnaan ng linggo dahil sa pinalalakas na habagat.

Ayon sa PDRRMO, maaaring magdulot ang tuloy-tuloy na pag-ulan ng pagbaha sa mga mabababang lugar at pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog at sapa, lalo na sa mga lugar na nakaranas na ng pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.

Pinayuhan ng tanggapan ang mga residente, partikular ang mga nakatira sa flood-prone at mga komunidad malapit sa mga ilog, na manatiling alerto at agad sundin ang mga abiso ng kanilang mga lokal na pamahalaan kung kinakailangan ang paglikas.

Samantala, ayon sa pinakahuling pagtataya ng PAGASA, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin sa baybayin ng Pangasinan, habang maaaring umabot sa 2.5 metro ang taas ng alon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments