KABUHAYAN NG MGA MAGSASAKA, NANGANGANIB SA BANTA NG MATINDING EL NIÑO

Hindi lamang mga pananim kundi mismong pinagkukunan ng kita ng mga pamilyang magsasaka ang posibleng maapektuhan kapag lumala ang El Niño.

Ito ang pangamba ng magsasakang si Alberto Viray, na umaasa sa pagsasaka upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.

Ayon kay Viray, kapag nabawasan ang suplay ng tubig, magiging mas mahirap ang pagpapatuloy ng kanilang pagtatanim at maaari ring bumaba ang kanilang produksyon at kita.

Isa sa mga pinagpipilian niyang hakbang ang pansamantalang hindi pagtatanim ng ilang pananim at paglipat sa mga gulay na maaari nilang maitawid depende sa magiging suplay ng tubig.

Ngunit bukod sa kakulangan sa tubig, problema rin ang gastos sa pagpapatakbo ng mga water pump dahil kailangan nilang bumili ng krudo para lamang mapanatiling nadidiligan ang kanilang sakahan.

Dahil dito, nananawagan si Viray ng karagdagang suporta mula sa pamahalaan, partikular ang pagkakaloob ng solar-powered water pump na maaaring makatulong na mabawasan ang kanilang gastusin.

Sa kabila ng posibilidad ng mas mahirap na panahon sa sektor ng agrikultura, sinabi ni Viray na patuloy siyang magsasaka.

Para sa kanya, wala silang madaling alternatibo dahil ang lupang kanilang sinasaka rin ang pangunahing inaasahan nilang pagkukunan ng pagkain at kita para sa pamilya.

Kaya habang papalapit ang posibleng mas matinding epekto ng El Niño, ang hamon para sa mga magsasaka ay hindi lamang kung paano maililigtas ang kanilang mga pananim—kundi kung paano maitatawid ang kanilang kabuhayan at pamilya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments