ELDERLY FILIPINO WEEK 2026, PORMAL NANG BINUKSAN SA DAGUPAN; LIBRENG SERBISYO, INILAPIT SA MGA SENIOR CITIZENS

Pormal nang binuksan sa Dagupan City ang selebrasyon ng Elderly Filipino Week 2026, na naglalayong mailapit sa mga nakatatanda ang iba’t ibang serbisyo at programa ng pamahalaan.

Isinagawa ang opening program nitong Oktubre 1, 2026 sa CSI Stadia, sa pangunguna ng National Commission of Senior Citizens o NCSC, katuwang ang lokal na pamahalaan.

May temang “Nakatatandang Pilipino: May Halaga at Karapatan, May Boses at Ambag sa Bayan,” dinaluhan ang aktibidad ng tinatayang 700 hanggang 800 senior citizens at mga kawani ng mga lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pangasinan.

Kabilang sa mga dumalo sina NCSC Chairperson Atty. Ma. Merceditas Gutierrez, NCSC Regional Office 1 Director Atty. Glaiza Bernadeth Pinto-Tadeo, NCSC Commissioner Northern Luzon Cluster 2 Atty. Ma. Dolores Rigonan, PhilHealth Regional Vice President Dennis B. Arde, at kinatawan mula sa United Senior Citizens Partylist.

Nagbigay rin ng welcome remarks si Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez at ipinakilala ang “Lola Cares,” isang programa para sa mga senior citizen sa lungsod.

Samantala, inilapit din sa mga dumalong senior citizen ang iba’t ibang libreng serbisyong medikal, kabilang ang medical check-up, eye screening, laboratory services, gamot at vitamins.

Nakiisa rin ang ilang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Agriculture, PhilHealth, Department of Social Welfare and Development, Department of Information and Communications Technology at Philippine Charity Sweepstakes Office upang maghatid ng mga serbisyo at impormasyon para sa mga nakatatanda.

Ayon kay NCSC Region 1 Director Atty. Glaiza Bernadeth Pinto-Tadeo, mahalaga ang ganitong mga aktibidad upang mas mailapit sa senior citizens ang mga serbisyong maaari nilang mapakinabangan mula sa pamahalaan.

Patuloy ang pagdiriwang ng Elderly Filipino Week sa buong bansa mula Oktubre 1 hanggang Oktubre 7, 2026. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments