RISK EXPOSURE MAPPING, TINALAKAY SA DISASTER PREPAREDNESS TRAINING SA INFANTA

Isinailalim sa pagsasanay ang mga kinauukulang personnel sa Infanta kaugnay ng pagbasa at paggamit ng risk exposure maps bilang bahagi ng paghahanda ng bayan sa mga posibleng sakuna.

Pinangunahan ng Mines and Geosciences Bureau o MGB ang Training-Workshop on Understanding Risk Exposure Maps na nakatuon sa pagtukoy at pagsusuri sa mga lugar na maaaring malantad sa iba’t ibang geological hazards.

Mahalaga ang naturang mga mapa sa pagtukoy kung aling mga komunidad, imprastraktura at iba pang lugar ang maaaring maapektuhan ng hazard, at maaaring gamiting batayan sa disaster planning, evacuation at iba pang risk-reduction measures.

Kabilang sa mga resource person mula sa MGB sina Senior Geologist Ivy May T. Graycochea; Geologists Michael Andre J. Araojo, Robert Stephen M. Lojo at Fatima Tyreza Joy N. Juan; at Admin Assistant Joan F. Moreno.

Binigyang-diin naman ni Infanta Mayor Virgilio F. Vallarta ang paggamit ng nakalap na impormasyon upang mapahusay ang disaster risk reduction and management ng munisipalidad.

Inaasahang magagamit ng lokal na pamahalaan ang risk exposure data sa pagpaplano at pagtukoy ng mga hakbang para sa mga komunidad na mas lantad sa panganib.

Mahalaga rin ang regular na pag-update at aktuwal na paggamit ng hazard at exposure information upang hindi lamang manatili sa training ang mga natutunan kundi maisama sa mga konkretong disaster preparedness at response plan ng bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments