
Mayroon na ring Kadiwa ng Pangulo sa Kampo Aguinaldo.
Pormal itong binuksan kahapon sa Lapulapu Grandstand, Camp Aguinaldo kung saan pinangunahan ito mismo ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.
Ayon kay Gen. Brawner, suportado ng buong Sandatahang Lakas ang inisyatibo ng pamahalaan na isulong ang food security, economic growth, at sustainable livelihood para sa mga Filipino.
Ani Brawner, mahalaga ang mga Kadiwa ng Pangulo upang mapalakas ang sektor ng agrikultura at mapaunlad ang kabuhayan ng ating local farmers.
Kahapon, inilunsad din sa Kampo Krame ang Kadiwa ng Pangulo na pinangunahan ni Philippine National Police o PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil na aniya’y malaking tulong sa mga kawani ng Pambansang Pulisya at kani-kanilang pamilya.
Unang inilunsad ang Kadiwa Program noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan layong isulong ang mura at dekalidad na mga produktong pang agrikultura.