Pinaigting na ang paghahanda sa Mangaldan National High School o MNHS kaugnay ng nakatakdang pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa bayan ng Mangaldan ngayong darating na Biyernes.
Ayon sa pamunuan ng MNHS, bandang alas-3:00 ng hapon nang magsagawa ng ocular inspection ang mga tauhan ng Philippine Air Force o PAF sa oval ng paaralan bilang bahagi ng paghahanda para sa inaasahang pagdating ng Pangulo.
Sinabi ng pamunuan ng paaralan na nauna silang makatanggap ng direktiba kaugnay ng gagawing paghahanda para sa presidential visit, dahilan upang simulan na rin ang koordinasyon sa mga kinauukulang awtoridad.
Bahagi ng ginagawang paghahanda ang pagtiyak sa seguridad at kaayusan sa lugar, maging ang logistical requirements at iba pang kinakailangang hakbang bago ang nakatakdang aktibidad.
Inaasahan ding paiigtingin pa ang koordinasyon sa pagitan ng mga awtoridad, lokal na pamahalaan at pamunuan ng MNHS habang papalapit ang pagbisita ng Pangulo.
Samantala, hinihintay pa ang karagdagang detalye hinggil sa magiging opisyal na aktibidad at kumpletong itinerary ni Pangulong Marcos sa Mangaldan, gayundin ang mga posibleng ipatupad na security at traffic arrangements.
Patuloy namang babantayan ng iFM News Dagupan ang mga susunod na detalye kaugnay ng nakatakdang presidential visit sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







