Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng reskilling at upskilling, kasabay ng pagpapabuti sa kalidad ng edukasyon para sa mga senior high school graduates.
Ayon sa Pangulo, sa isinagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair noong Marso, mahigit 1,400 Senior High School (SHS) at Alternative Learning System (ALS) graduates ang na-hire on the spot.
Aniya, ang mga kwalipikadong SHS graduates ay maaari nang mag-apply sa mga first-level o unang-baitang na posisyon sa pamahalaan, bilang bahagi ng pagpapalawak ng oportunidad sa trabaho para sa mga kabataan.
Dagdag pa niya, patuloy na pinalalakas ang kurikulum ng senior high school upang higit na maihanda ang mga mag-aaral sa mundo ng trabaho. Pinaigting din ang work immersion upang mabigyan sila ng aktuwal na karanasan sa napiling larangan.
Iginiit din ng Pangulo na upang mahikayat ang mas maraming kabataan na makatapos ng pag-aaral, inilunsad ang programang Presidential Scholar, kung saan limang estudyante mula sa bawat barangay sa buong bansa ang pagkakalooban ng tig-₱100,000 na educational assistance.
Samantala, binigyang-pansin din ng Pangulo ang mga programang Tsuper Iskolar at EngTsuperNor, na naglalayong sanayin ang mga tsuper sa mga bagong kasanayan at alternatibong pagkakakitaan.
Sa ilalim naman ng mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA), mahigit 10,000 magsasaka at mangingisda ang mabibigyan ng pagsasanay sa makabagong teknolohiya at kabuhayan.
Dagdag pa rito, isinama na rin sa senior high school curriculum ang TechPro bilang tulay sa mas mataas na antas ng pagsasanay at mas maraming oportunidad sa trabaho. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






