Mas mabigat na parusa ang posibleng kaharapin ng mga drayber na mahuling nagmamaneho ng lampas sa legal na alcoholic limit, matapos ang nakatakdang pagpapatupad ng Land Transportation Office o LTO ng proseso ng pagbawi ng lisensya simula Nobyembre 15.
Bahagi ito ng pinaigting na hakbang ng ahensya upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada na dulot ng pagmamaneho nang nakainom.
Sa Lungsod ng Dagupan, nagpahayag ng kanilang mga reaksyon ang ilang drayber kaugnay ng nasabing polisiya.
Pabor din umano ang ilang drayber sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas, lalo na para sa mga baguhang nagmamaneho at mga may hawak ng student permit.
Ayon sa kanila, makatutulong ang naturang hakbang upang mapalakas ang disiplina sa kalsada at mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng daan.
Sa ilalim ng bagong polisiya, revocation o tuluyang pagbawi ng lisensya ang ipapataw sa mga lalabag, sa halip na suspension o pansamantalang pagkakasuspinde ng lisensya.
Gayunman, bibigyan pa rin ng pagkakataon ang mga mahuling motorista na magpaliwanag at dumaan sa kaukulang proseso bago maglabas ng pinal na desisyon ang ahensya.
Sa pamamagitan ng mas mahigpit na parusa, inaasahang mapatatatag ang disiplina sa pagmamaneho at mababawasan ang mga aksidenteng dulot ng pagmamaneho nang nakainom. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







