Patay ang isang 25-anyos na lalaki matapos masangkot sa salpukan ng anim na sasakyan sa national highway sa Brgy. Bued, Calasiao, Pangasinan, dakong alas-1:57 ng hapon noong October 27.
Sa CCTV ng barangay, makikitang tila lumihis ng linya ang isang van at bumangga sa dalawang tricycle na kasalubong nito, bago tumama sa isang bahay.
Ayon sa pulisya, dead on arrival sa ospital ang driver ng unang tricycle. Sugatan naman ang backrider nito at ang driver ng ikalawang tricycle.
Sa panayam ng iFM News Dagupan sa barangay, nagkalat sa kalsada ang mga gulay na lulan ng tricycle nang dumating ang mga rumespondeng awtoridad.
Ayon naman sa may-ari ng bahay, wala umanong tao sa loob nang mangyari ang insidente, ngunit may mga kagamitang nasira.
Dinala rin sa ospital ang mga driver ng van at jeep na nadamay sa insidente at iniulat na hindi nasaktan ang mga ito.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng aksidente. Batay sa pinakahuling ulat, nagkaareglo na ang mga sangkot na panig.
Ayon pa sa barangay, madalas ang mga aksidente sa naturang highway.
Pinaalalahanan naman ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan at mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na ngayong Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







