Thursday, October 29, 2026

KASANAYAN SAPAGGAWA NG KAKANIN, NILAHOKAN NG MGA KABATAAN SA CALASIAO‎

Sa bawat kagat ng kakanin at higop ng kape tila muling nabubuhay ang tradisyon at kulturang minana ng mga Pilipino, kaya naman sa paglipas ng panahon patuloy na sumasabay sa pagbabago ang mga pagkain sa pamamagitan ng mga bagong sangkap, kakaibang timpla, at malikhaing presentasyon upang higit na tangkilikin.

‎
‎Bilang bahagi ng pagsusulong na mapalawak ang paggawa ng kakanin, sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay ang mga kabataang miyembro ng 4-H Club noong Oktubre 23–25, 2026, sa Quinit Integrated Farm sa Buenlag, Calasiao.
‎

‎Sa pangunguna ng mga lokal na chef, ibinahagi sa mga dumalo ang kanilang kaalaman at kasanayan sa iba’t ibang pamamaraan ng paggawa at paghahanda ng mga kakanin, gamit ang bigas bilang pangunahing sangkap.
‎

‎Kabilang sa mga natutunan at inihandang produkto ang puto with cheese na may itlog maalat, bibingka with latik, inutak, ube macapuno roll in mango dressing, kalabasa butchi, putoflan, at rice rolls.

‎
‎Ipinakita ng mga produktong ito kung paano maaaring pagsamahin ang tradisyonal na paraan ng paggawa ng kakanin at mga malikhaing sangkap upang makabuo ng mga bagong bersiyon ng mga pagkaing nakasanayan na natin.

‎
‎Samantala nagbukas naman ito ng ideya sa mga kabataan kung paano maaaring gawing oportunidad sa pagnenegosyo ang kanilang mga natutuhan. Sa pamamagitan ng wastong paghahanda, pagkamalikhain at pagbuo ng mga produktong angkop sa panlasa ng mga mamimili, maaaring maging daan ito ng pagkakaroon ng sariling kabuhayan.
‎
‎Ang mga kakanin ay hindi lamang pagkaing tampok sa mga handaan at pagdiriwang, isa rin itong pamana ng kulturang Pilipino na patuloy na umuunlad sa kamay ng mga kabataang handang matuto, lumikha at magbukas ng negosyo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments