Pinaigting ng Land Transportation Office o LTO Region 1 ang pagmomonitor sa mga bus terminal sa Dagupan City, Pangasinan kasabay ng pagdami ng mga biyaherong nagbabalik sa kanilang mga trabaho at paaralan matapos ang pagdiriwang ng Undas 2026.
Bilang bahagi ng kanilang operasyon, isa-isang sinuri ang kondisyon ng mga pampublikong bus upang matiyak na ligtas ang mga ito bago muling bumiyahe.
Kabilang sa mga tinutukan sa inspeksiyon ang mga seatbelt, gulong, emergency fire extinguisher at iba pang mahahalagang bahagi ng mga sasakyan.
Ayon kay Atty. Danica Blin Sanchez, Chief of Operations Division at Supervising Transportation Regulation Officer ng LTO Region 1, patuloy silang nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga sasakyan sa mga kalsada at bus terminal, lalo na sa mga lugar na dinadagsa ng mga biyahero tuwing Undas.
Layon aniya ng operasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong nagbabalik sa kanilang mga destinasyon.
Samantala, magpapatuloy ang mga inspeksiyon at pagmomonitor ng LTO, kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga biyahero sa lalawigan ng Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










