Sa ilalim ng inisyatiba ng Department of Education o DepEd, hinihikayat ang mga pampublikong elementarya at sekundaryang paaralan, gayundin ang mga Community Learning Center, na palakasin ang mga hakbang upang matiyak ang ligtas at inklusibong kapaligiran sa pagkatuto.
Nagkaisa rin ang mga opisyal ng barangay, magulang, guro, at mga katuwang na ahensiya sa ilang paaralan sa lalawigan upang itaguyod ang kaligtasan, paghahanda sa emergency, at proteksiyon ng mga bata.
Sa Federico N. Ceralde Integrated School sa Dagupan City, nakiisa ang mga opisyal ng Barangay Bonuan Binloc, kasama ang pamunuan ng paaralan, mga guro, at mga opisyal ng Parents-Teachers Association.
Nagsagawa rin ng panata ang komunidad bilang pagpapahayag ng kanilang pananagutan sa pagpapanatili ng ligtas na paaralan.
Samantala, nakipag-ugnayan ang Asingan Municipal Police Station sa pamunuan ng Luciano Millan National High School sa Asingan upang talakayin sa mga mag-aaral ang kaligtasan, pag-iwas sa bullying, at pag-iwas sa krimen.
Nakiisa rin ang Bautista Fire Station sa Bautista National High School upang bigyang-diin ang kahalagahan ng kamalayan sa kaligtasan, pagtutulungan, at paghahanda sa sakuna.
Sa San Quintin National High School, lumahok ang mga opisyal ng Parents-Teachers Association, Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Municipal Social Welfare and Development Office, mga kawani ng paaralan, at mga mag-aaral sa paglagda sa commitment tarp bilang pagpapahayag ng kanilang pakikiisa sa pagtataguyod ng ligtas at matatag na paaralan.
Sa Alaminos City naman, binigyang-diin ng Alaminos City Police Station ang kahalagahan ng Child Protection Policy at mga hakbang laban sa bullying sa San Vicente Elementary School, kasama ang mga opisyal ng barangay at Parents-Teachers Association.
Layunin ng mga gawaing ito na palakasin ang pagtutulungan ng mga paaralan, pamilya, lokal na pamahalaan, at mga ahensiya upang mapangalagaan ang karapatan, kapakanan, at kaligtasan ng bawat mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







