Pinaghahandaan na ng Dagupan City Police Office (DCPO) ang pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad sa mga tahanan at matataong lugar sa lungsod sa darating na Nobyembre, kasabay ng pagdiriwang ng Undas.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay PCPT Shayne G. Daciego ng DCPO, kabilang sa mga pangunahing tinututukan ng kapulisan ang seguridad ng mga bahay na maiiwang walang tao habang nasa biyahe o dumadalaw sa mga sementeryo ang mga residente.
Pinayuhan ang publiko na tiyaking nakakandado ang mga pinto at bintana at patayin ang mga de-kuryenteng kagamitang hindi kailangang nakasaksak bago umalis ng bahay upang maiwasan ang mga posibleng insidente.
Samantala, planong magtalaga ng tinatayang 200 hanggang 300 pulis sa pitong sementeryo sa Dagupan City, gayundin sa mga terminal, mall at dalampasigan na inaasahang dadagsain ng mga tao.
Magpapatuloy din ang regular na checkpoints, Oplan Sita, foot patrol at mobile patrol upang mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Undas.
Plano rin ng DCPO na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay at palawigin ang pagbibigay ng mga paalala hinggil sa kaligtasan sa kalsada bilang bahagi ng paghahanda sa inaasahang pagdami ng mga biyahero at bisita sa lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







