Kaligtasan ng mga Pilipinong malapit sa mga bansang Iran at Israel, pinatitiyak ng ilang senador

Nanawagan si Senate President Chiz Escudero sa gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga kababayang malapit sa bansang Iran at Israel.

Ayon kay Escudero, bukod sa mga Pilipinong nasa Iran at Israel ay dapat tiyakin din ang kaligtasan ng mga kababayang nasa karatig na mga bansa na maaaring maapektuhan ng giyera.

Inaatasan din ng senador ang ating mga awtoridad, ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na manguna sa pag-locate ng mga kababayan, documented man o hindi, para ihanda at pagplanuhan ang pagpapauwi sa mga ito sa Pilipinas.

Ang mahalaga aniya ngayon ay dapat mapauwi nang walang delay ang mga kababayang nababahala para sa kanilang kaligtasan.

Hiniling ng mambabatas na kapag nahanap ang mga kababayan ay alukin ang mga ito na umuwi na ng bansa.

Samantala, pinatitiyak ni Senator Imee Marcos sa DMW na may nakahandang tulong tulad ng kabuhayan at pinansyal sa mga Pilipinong mare-repatriate.

Facebook Comments