KALIGTASAN SA PANGUNAHING LANSANGAN, PRAYORIDAD SA PAGLILINIS NG NAKALAYLAY NA KAWAD SA BAYAMBANG

Pinaiigting ang mga hakbang para mapanatili ang kaligtasan sa mga pangunahing kalsada sa Bayambang matapos isagawa ang clearing operations sa kahabaan ng Burgos St. sa Poblacion area.

Sa pangunguna ng Wire Clearing Action Group, isinagawa ang pagtanggal ng mga nakalaylay na kawad at pag-aayos sa mga poste na natukoy na maaaring maging panganib sa mga dumaraan na motorista, pedestrian, at mga residente.

Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring idulot ng mga delikadong linya at imprastraktura sa mga pampublikong lugar. Bukod sa paglilinis ng kalsada, tinutugunan din ng grupo ang mga traffic hazard na maaaring makaapekto sa ligtas na paggalaw ng mga tao sa lugar.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang bayan sa mga kinauukulang ahensya at utility providers upang mas mabilis na maresolba ang mga katulad na problema sa iba pang bahagi ng bayan.

Hinimok din ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang nakalaylay na kawad, sirang poste, o iba pang posibleng panganib sa mga kalsada upang maagapan at maaksyunan bago ito magdulot ng insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments