
Pormal na hiniling ng Kamara na magkaroon ng silid na gagamitin sa Senado ang House Prosecution Panel para sa isasagawang paglilitis ng impeachment court kay Vice President Sara Duterte.
Nakasaad sa liham ni House Secretary General Reginald “Reggie” Velasco kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang silid ay magsisilbing holding area ng House Prosecutors at House Secretariat Support Group (SSG) habang may impeachment trial.
Nakasaad sa liham na nais ng Kamara na magsagawa ng ocular inspection sa silid bukas, March 11.
Ayon kay Velasco, ito ay para mapag-aralan nila ang gagawing set-up sa kwarto upang maging komportable at maayos na makapagtrabaho dito ang Public Prosecutors at House SSG.
Samantala, kinumpirma naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagtanggap ng isang liham mula kay Escudero noong Pebrero 24 kaugnay sa verified impeachment complaint laban sa Bise Presidente at ang paghahanda ng Senado para sa paglilitis.
Sinabi ni Romualdez sa liham kay Escudero ang pagtiyak ng Kamara na magiging patas at alinsunod sa Konstitusyon ang proseso ng impeachment.
Binanggit din ni Romualdez ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa Senado para sa pagtupad ng kanilang mandato.