
Nagsagawa ng vigil nights ang Philippine Air Force (PAF) para kina Major Jude Salang-oy at 1Lt. AJ Dadulla, ang mga nasawing piloto ng bumagsak na FA-50 fighter jet sa Bukidnon noong Martes.
Isinagawa ang unang gabi ng prayer vigil para sa dalawang piloto sa Villamor Airbase kasunod ng ginawang full military honors noong Sabado.
Nitong linggo naman nang umaga ay inilipat ang mga labi ng dalawang piloto sa Basa Air Base Pampanga para gawaran din ng military honor at prayer vigil, at makasama ng kapwa fighter pilots.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, matapos ang prayer vigil ay nasa pagpapasya na ng kanilang mga pamilya kung saan ibuburol at ililibing ang dalawang piloto.
Sarado rin sa publiko at media ang prayer vigil matapos humiling ng privacy ng mga naulilang pamilya.
Samantala, sinabi naman ni Castillo na sa kabila ng nangyari sa dalawang piloto nanatiling mataas ang morale ng Air Force sa kanilang tungkulin.
Puspusan rin ang isinisagawang imbestigasyon ng PAF para agad na matukoy ang naging sanhi ng pagbagsak ng aircraft alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.