
Limitado ang magiging papel ng Philippine National Police (PNP) sa pagbabantay kung masusunod ang maximum suggested retail price (MSRP) sa karne ng baboy na sisimulan nang ipatupad ngayong araw sa mga palengke sa Metro Manila.
Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na plano nilang mag-ikot ngayong linggo kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at PNP para masigurong walang mananamantala sa presyuhan ng karneng baboy.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, tanging ang mga kinatawan ng DA at DTI ang magsasagawa ng inspeksyon, habang ang mga pulis ay magbibigay seguridad upang maiwasan ang anumang tensyon.
Kadalasan aniya kasi ay may ilang nagtitinda na nagpapahayag ng hinaing dahil mataas ang kuha ng produkto kaya’t hindi nakasusunod sa itinakdang presyuhan ng gobyerno.
Kaya sinabi ni Fajardo, malaking bagay ang presensya ng mga pulis upang maiwasan ang gulo.
Nabatid na magiging MSRP sa kada kilo ng kasim at pige ay ₱350 habang ₱380 naman sa kada kilo ng liempo.