Kamara, nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng yumaong Congressman Carlos Cojuangco

Nagpaabot ng pakikiramay ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagpanaw ng kasamahan na si Tarlac First District Rep. Carlos “Charlie” Cojuangco.

Sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco ay ipinarating ng Kamara sa pamilyang Cojuangco ang pakikidalamhati at simpatya sa pamilyang naiwan ng yumaong kasamahan.

Si Cojuangco ay naging kinatawan ng Ikaapat ng Distrito ng Negros Occidental mula 11th, 12th at 13th Congress at naging kongresista naman ng Unang Distrito sa Tarlac mula 17th hanggang 18th Congress.


Naging chairperson din ito ng House Committee on flagship programs and projects at vice chairperson ng Committee on Appropriations.

Ngayong umaga ay kinumpirma ni dating Congressman Mark Cojuangco ang pagpanaw ng kanyang kapatid kaninang alas-6:00 ng umaga.

Nag-post din sa social media ang may-bahay nitong si China Jocson-Cojuangco kaugnay sa pagpanaw ng kanyang asawa.

Hindi pa malinaw sa ngayon ang dahilan ng pagpanaw ng kongresista pero nauna nang napaulat na nagkaroon ng brain aneurysm si Cojuangco sa gitna ng isang car racing noong Oktubre 2021.

Facebook Comments