
Nagkagirian muli sa sesyon sa Senado sina Senator Kiko Pangilinan at Senator Robinhood Padilla.
Matatandaang kahapon ay nagkatensyon sa pagitan ng dalawang senador matapos na umalma si Padilla na sinigawan siya ni Pangilinan at nagbanta rin si Padilla na sasampahan ng ethics complaint si Pangilinan.
Habang may tinatalakay sa plenaryo ay bigla na lamang nagsuspindi ng sesyon si Senate President pro-tempore Loren Legarda at mahahagip bago mag-cut ang video streaming na biglang nagtayuan at tila nagmamadali ang mga nasa sesyon.
Ayon kay Acting Office of the Sergeant-At-Arms Mao Aplasca, kanina at nag-break ang sesyon at nagtungo sa VIP lounge ang dalawang mambabatas na posibleng nagkatabi at dito’y nagkainitan.
Paglilinaw ni Aplasca, wala namang sigawang nangyari sa pagitan nina Padilla at Pangilinan pero nagkaroon ng sagutan sa pagitan ng dalawang mambabatas.
Sa kabila nito ay nagawa namang maawat ang dalawa bago pa ito lumala.










