
Matagumpay na nailigtas ng Southern Police District (SPD) at Taguig City Police Station ang walong buwang gulang na kambal na lalaki sa Candaba, Pampanga matapos ang serye ng operasyon laban sa human trafficking na nagresulta rin sa pagkakadakip sa tatlong suspek.
Nagsimula ang imbestigasyon sa sumbong ng lola ng mga bata matapos ibenta ng sarili nilang ina ang kambal sa isang babaeng nakilala nito sa Facebook sa halagang ₱30,000 kasunod ng isang away-pamilya.
Ayon sa initial na imbestigasyon, si alyas “CMPF” ay nagpadala sa 24 anyos na ina ng ₱27,000 sa pamamagitan ng online transfer at nag-abot ng additional ₱3,000 na pera.
Unang nadakip sa San Luis, Aurora ang suspek na si alyas “CMPF” kung saan nasagip din ang dalawa pang bata, bago itinuro ng suspek ang kinaroroonan ng kambal sa isang magkasintahan na kaniya ring pinagbentahan naman sa Pampanga.
Kasalukuyang nahaharap ang tatlong suspek sa mga kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.










