
Ayon kina House Deputy Speaker Paolo Ortega V at House Prosecutor Rep. Terry Ridon, asahan ang pasabog ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa kanyang pagharap sa impeachment trial bukas.
Diin ni Congressman Ortega, bilang pinuno ng NBI ay may access si Matibag sa kumpletong rekord ng imbestigasyon, mga dokumento, at impormasyon ukol sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang pamilya.
Tiwala naman si Rep. Ridon na pawang katotohanan ang isisiwalat ni Matibag sa impeachment trial hinggil sa komprehensibong imbestigasyong isinagawa ng NBI.
Ayon kay Ridon, ang magiging testimonya ni Matibag ay higit pa sa technical findings na naiprisenta na sa impeachment court ng mga NBI agent ng Cybercrime Division.
Si Matibag ang huling testigo ng prosecution sa ilalim ng ikaapat na Article of Impeachment laban kay VP Duterte.










