Thursday, July 2, 2026

Kampo ni Rep. Romualdez, nanindigan na walang ebidensiyang nag-uugnay sa kanya sa maanumalyang flood control projects

Nanindigan ang kampo ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na walang ebidensya na magsasangkot dito sa maanumalyang flood control projects.

Ayon kay Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, ang mga akusasyon ay hindi tugma sa proseso at paggastos sa pambansang pondo kung saan walang kontrol ang sinuman.

Inilahad ni Atienza na ang panunkalang national budget ay binubuo ng Executive branch sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) at mga ahensya ng gobyerno.

Ito ay isinusumite sa Kamara at Senado para busisiin at kapag naisabatas ay ipapatupad ng kaukulang mga ahensya o tanggapan ng pamahalaan kaya hindi ito kayang kontrolin o manipulahin ni Romualdez o ng iisang tao lamang.

Diin pa ni Atienza, sa lahat pagdinig ng Senado at Kamara at iba pang mga opisyal na imbestigasyon ay walang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagsabing lumahok si Romualdez sa pagplano, procurement, pagpapatupad, pag-inspeksyon at paglalabas ng pondo sa alinmang ghost flood control project.

Sang-ayon si Atienza na pananagutin kung may nagkasala pero giit nya hindi dapat pa gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lang may maipakita sa publiko at hindi rin puwedeng mauna ang akusasyon bago ang ebidensya.

Facebook Comments