
Nilinaw ni Senate President Francis Escudero na hindi ikinunsidera ng Senado ang kandidatura ng reelectionists na senador kaya sa Hunyo pa bubuksan ang pagtalakay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pagbibigay-diin ni Escudero, hindi kailanman napag-usapan ng mga senador ang tungkol sa impeachment dahil wala naman silang isinagawang caucus tungkol dito.
Kahit aniya sa mga oras na natanggap na ang articles of impeachment ay hindi ito tinalakay ng mga mambabatas.
Paliwanag pa ng senate president, hindi siya pwedeng mag-presume o manguna dahil katatanggap pa lang noong Miyerkules ng hapon sa articles of impeachment at hindi pa sila pormal na naabisuhan dito ng Senate secretary.
Samantala, naniniwala si Escudero na mas magiging pabor sa kandidatura ng ilang senador ang pagtayong hukom sa impeachment trial taliwas sa sinasabing kakainin nito ang oras ng pangangampanya ngayong halalan.
Sinabi pa ni Escudero na maraming kongresista ang naging senador at sumikat dahil sa impeachment trial at may mga na-reelect pa dahil dito.