Insidente ng bird strike sa mga paliparan sa bansa, bahagyang tumaas sa nakalipas na taon

Ang bird strike ay isa sa mga problemang kinahaharap sa aviation industry sa buong mundo.

Kamakailan ay ito rin ang itinuturong dahilan ng crash landing ng eroplano ng Jeju Air sa South Korea nitong disyembre kung saan 179 katao ang nasawi.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesman Eric Apolonio, nitong nakalipas na taong 2024, bahagyang tumaas ang kaso ng bird strikes sa international at domestic flights sa bansa lalo na’t nadagdagan ang bilang ng flights sa Pilipinas.


Gayunman, maliliit aniya ang mga ibon na sumasalpok sa mga eroplano sa bansa kaya naiiwasan ang panganib sa mga aircraft.

Sinabi pa ni Apolonio na may ibang paraan din na ginagamit sa pagtataboy ng mga ibon lalo na kapag hindi na sila tinatablan ng mga patunog na ginagamit para sila ay maitaboy.

Ang bird strike ay nagdudulot ng panganib sa makina ng eroplano lalo na kapag malaking flock ng ibon ang lumusob sa eroplano.

Idinagdag ni Apolonio na karaniwan sa mga paliparan na dinudumog ng mga ibon ay ang malapit sa mga dagat lalo na sa mga lalawigan.

Ilan din sa aniya sa mga ibon ay galing sa mga malalamig na bansa na lumilipat sa Pilipinas kapag winter season sa mga karatig na bansa sa Asya.

Sa kabila ng hamon na ito sa aviation industry, tiniyak naman ni Apolonio na ang eroplano pa rin ang pinakaligtas na uri ng transportasyon.

Facebook Comments