Ayon kay Rufino T. Magliba III, Punong Barangay ng Nibaliw Magliba at Council of Leaders President ng Crusaders of the Divine Church of Christ Philippines Inc. o CDCCPI, natatangi para sa kanilang mga Crusado ang Setyembre 25.
Ito umano ang araw na pinaniniwalaan nilang tunay na kapanganakan ni Hesukristo, kasabay ng paggunita sa kapanganakan ng kanilang kinikilalang Diyos Espiritu Santo na si Monsignor Dr. Rufino S. Magliba, na mas kilala bilang Apo Rufing.
Tinatayang higit 1,200 miyembro ng grupo ang nakilahok sa naturang pagdiriwang.
Nagsimula ang programa sa pag-aalay ng Novena kay Hesus Espiritu Santo sa himlayan ng kanilang founder. Sinundan ito ng flower offering, flag-raising ceremony at misa.
Isinagawa rin ang iba’t ibang aktibidad na tinawag nilang Christmas Party bilang bahagi ng kanilang sama-samang pagdiriwang.
Ayon sa mga Crusado, mahalaga ang Setyembre 25 dahil bahagi ito ng kanilang paniniwala na Setyembre ang tunay na panahon ng kapanganakan ni Hesukristo.
Bahagi rin ng kanilang pagdiriwang ang pagdalo sa Misa de Gallo, Midnight Mass at Noche Buena Mass, bukod sa iba pang gawaing panrelihiyon na isinasagawa ng kanilang mga grupo.
Sa kanilang mga mensahe, binigyang-diin ng mga Crusado ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagsasama-sama at pagpapanatili ng kanilang pananampalataya bilang bahagi ng kanilang Kapaskuhan.
Sa pamamagitan ng taunang pagdiriwang, muling nagsama-sama ang mga miyembro ng Crusaders of the Divine Church of Christ upang ipagdiwang ang kanilang pananampalataya at maibahagi ang mensahe ng pagkakaisa sa kanilang kapwa miyembro sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










