
Pinaigting pa ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga paaralan sa lungsod.
Ito ay kasunod ng mga naitatalang karahasan sa mga eskwelahan kung saan pinakahuli ang nangyari sa Banga, South Cotabato na ikinasawi ng tatlong estudyante at nag-iwan ng 6 pang sugatan.
Ayon kay Marikina Mayor Maan Teodoro, bumili ang lungsod ng mga metal detector para sa lahat ng public at private schools at nagsagawa rin ng mga workshop para sa pagtugon sa mga insidente ng active shooting.
Nagtalaga rin aniya ang LGU ng mga dagdag na pulis at mga tauhan ng Office of Public Safety and Security sa paligid ng mga paaralan para sa mas pinaigting na seguridad.
Bukod dito, kumuha rin ng 31 guidance associates katuwang ang DepEd Marikina para palakasin ang school-based mental health program at para sa dagdag na aalalay sa mga batang mag-aaral.










