
Binisita ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete ang 6th Infantry Division sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao para suriin ang mga hakbang pangseguridad at kahandaan ng hukbo para sa nalalapit na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections na inaasahang gaganapin sa September 14.
Kasama niya sa pagbisita ang Commanding General ng Philippine Army na si Lt. Gen. Donald Gumiran.
Sa isinagawang pagbisita, tinalakay ang mga key security updates, operational plans, at ang nagpapatuloy na paghahanda sa mga lugar na sakop ng halalan.
Nakatuon ang kanilang diskusyon sa mga potensyal na banta sa seguridad, kaligtasan ng mga botante, election personnel, mga kandidato, at political parties sa buong electoral process.
Binigyang-diin ni Gen. Nafarrete ang pangangailangang maging mapagmatyag, responsive, at handa sa mga posibleng banta na makaaapekto sa halalan.
Inatasan din niya ang mga commanders at personnel na paigtingin ang koordinasyon, intelligence monitoring at operational readiness sa lahat ng areas of responsibility.










