Kickboxing president TOL, pinuri ang 22-medal haul ng ‘Pinas sa world kickboxing cup

Pinapurihan ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino ang aniya’y kahanga-hangang ipinamalas ng Team Pilipinas sa katatapos na 1st Thailand Kickboxing World Cup 2025 sa Bangkok, Thailand.

“Patunay ito na world-class ang galing ng ating kickboxers,” ayon kay TOL, na pangulo rin ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP), at matagal nang sumusuporta sa ating mga atleta sa iba’t ibang palakasan.

“Mahusay, matapang, at disiplinado ang ating Pinoy at Pinay kickboxers. Maraming salamat sa pagdadala n’yo ng dangal sa ating bansa sa World Kickboxing Cup,” dagdag nya.

“Ang paglalaro ng kickboxing ay hindi gawang biro; ito po ay isang combat sport. Nawa’y patuloy nating ipagdasal at suportahan ang ating kickboxers – at lahat ng atletang Pilipino!”

Kabuuang walong ginto, apat na pilak, at sampung tanso ang kinopo ng koponan ng bansa sa form at combat categories ng torneyo.

Kasama sa mga nagninging sa Bangkok sina Jovan Medallo, na nanalo ng apat na ginto, at Janah Jade Lavador na kumopo ng dalawang ginto at dalawang tanso sa iba’t ibang form categories.

Sa combat events, nanguna sina Whinny Bayawon at Jethro Saba, na kapwa sumungkit ng ginto sa 57-kg Light Contact at 63-kg Kick Light categories, ayon sa pagkakasunod.

Sa hanay ng mga kababaihan, pinatuyan ni Paris Olympic boxer na uubra pa rin sya sa kanyang orihinal na sport matapos makuha ang pilak sa women’s K1-70 kg division.

Ang 1st Thailand Kickboxing World Cup 2025 ay nilahukan ng 630 atleta mula sa 30 bansa. Opisyal itong pinangasiwaan ng World Association of Kickboxing Associations.

Facebook Comments