
Binuksan ng Department of Agriculture (DA) ang gate ng tanggapan nito upang sa loob mismo ng ahensya ipagpatuloy ng mga hog raiser o mambababoy ang kanilang kilos-protesta ngayong Biyernes ng umaga, October 23.
Ayon kay DA Undersecretary Asis Perez, ito ang paraan ng departamento upang mabigyan ng malilim na lugar ang mga raliyesta sa kanilang ikinakasang programa, mapakinggan sila, at hindi sila makasagabal sa daloy ng mga sasakyan sa Elliptical Road sa Quezon City.
Humarap si Perez sa mga raliyesta ngayong Biyernes upang basahin ang mensahe ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. para sa mga mambababoy, na pirmado noong October 22. Nakasaad dito na isinusulong ng DA ang pagbabalik ng 40% na taripa sa imported na baboy at ang dalawang buwang pork importation holiday upang bigyan ng pagkakataong makabawi sa pagkalugi ang mga hog raiser.
Matatandaang ipinaglalaban ng mga hog raiser sa kanilang kilos-protesta ang mga sumusunod:
• Suspendihin ang pag-iisyu ng import permit;
• Huwag patayin ang kanilang kabuhayan;
• Ilabas ang totoong presyo ng imported pork;
• Ipatupad ang P210 floor farmgate price; at
Tuldukan ang pagpupuslit sa bansa ng karneng baboy, at marami pang iba.
Kasama ng mga raliyesta si Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Representative Nick Briones, na paulit-ulit na binigyang-diin sa kaniyang mensahe ang sitwasyon at pagkalugi ng mga hog raiser sa bansa, gayundin ang panawagang itigil na ang importasyon ng karneng baboy.










