Kompanyang nasa likod ng troll farms ng China, ipatatawag sa pagdinig ng Senado

Pinag-aaralan ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na ipatawag sa susunod na pagdinig ang public relations firm na nasa likod ng mga troll farms na sinasabing kinontrata ng Chinese embassy para magpakalat ng naratibo sa social media na sumusuporta sa mga claims o pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea.

Ayon kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, maaaring ipatawag sa susunod na pagdinig ang Infinitus Marketing Solutions Inc., sa susunod na linggo lalo kung maluwag ang kanilang schedule.

Sa ngayon ay walang makalap na impormasyon sa online ang tungkol sa nasabing PR firm makaraang mag-offline ang opisyal na website at Facebook account nitong weekend.

Tungkol naman sa posibilidad na ipatawag si Chinese Ambassador Huang Xilian, sinabi ni Tolentino na hindi ito maaaring gawin o pilitin dahil may umiiral na diplomatic immunity sa mga ganitong posisyon.

Naniniwala si Tolentino na wala nang mas titibay pa na ebidensya ng service contract at tsekeng nagkakahalaga ng P930,000 na ibinayad ng Chinese embassy sa kinuhang PR firm dito sa bansa para magpakalat ng kanilang propaganda.

Facebook Comments