Nagpahayag ng suporta ang ilang magulang at senior citizens sa lungsod ng Dagupan sa inilunsad na “Kontra Pisonet” campaign ng lokal na pamahalaan na layong mabawasan umano ang labis na pagtambay ng mga kabataan sa mga pisonet at online gaming stations.
Ayon sa pamahalaang lungsod, prayoridad ng kampanya ang proteksyon at kapakanan ng mga kabataan, partikular sa disiplina, pag-aaral, at tamang paggamit ng oras ng mga menor de edad.
Bago ang implementasyon, nakipagpulong na rin ang lokal na pamahalaan sa mga kinatawan ng DFPTA at mga barangay captain, kung saan nagpahayag din umano ng pagsang-ayon ang mga ito sa naturang hakbang. Sinabi rin na suportado ito ng Sangguniang Panlungsod.
Giit naman ng ilang magulang, mahalagang mabigyan ng gabay ang mga kabataan dahil sa epekto ng labis na paglalaro sa kanilang pag-aaral at oras sa bahay .
Samantala, umapela ang ilang may-ari ng pisonet na pag-aralang mabuti ang panukala upang hindi maapektuhan nang husto ang kanilang kabuhayan.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na kumpletong detalye ang lokal na pamahalaan hinggil sa eksaktong implementasyon at posibleng regulasyon ng naturang kampanya. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







