Arestado ang apat na lalaki matapos maaktuhan umanong ilegal na nagsusugal ng tinatawag na “Playing Cards 41” sa Manaoag, Pangasinan noong Mayo 24, 2026.
Kinilala ng pulisya ang mga nahuling suspek na edad 25 hanggang 66-anyos, kabilang ang isang helper mula sa Manaoag at San Jacinto, Pangasinan.
Ayon sa Manaoag Municipal Police Station, nakatanggap umano ng impormasyon ang himpilan hinggil sa ilegal na pagsusugal sa bayan.
Sa pagresponde ng mga operatiba, mabilis umanong kumaripas ng takbo ang ilan pa nilang kasamahan at tumakas.
Nasamsam sa operasyon ang isang kompletong deck ng plastic playing cards at ₱345 na hinihinalang pustahan sa sugal.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Illegal Gambling Law.
Matapos ang medical examination, dinala ang mga suspek sa kustodiya ng Manaoag MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











