KOORDINASYON NG PULISYA AT BARANGAY, PINALALAKAS PARA SA MAS MAAYOS NA TRAPIKO AT LIGTAS NA KOMUNIDAD SA SAN CARLOS CITY

Pinalalakas ng San Carlos City Police Station ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang higit na mapaigting ang pagpapatupad ng mga programa para sa maayos na daloy ng trapiko, road clearing operations, at pangkalahatang kaayusan sa komunidad.

Bilang bahagi ng programang Ugnayan sa Barangay, pinangunahan ni PLTCOL Lawrence Keith D. Calub, Officer-in-Charge ng San Carlos City Police Station, kasama ang mga tauhan ng Police Community Affairs and Development (PCAD), ang isang dayalogo sa Barangay Roxas noong Hulyo 2.

Dinaluhan ang aktibidad ng mga opisyal ng barangay, gayundin ng mga Barangay Health Workers (BHWs), bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa mga inisyatibong naglalayong mapanatili ang kaayusan sa kanilang nasasakupan.

Sa talakayan, binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng pulisya at ng pamahalaang barangay upang maging mas epektibo ang pagpapatupad ng mga batas at ordinansa, lalo na sa pamamahala ng trapiko at pagsasagawa ng road clearing operations.

Hinikayat din ang mga residente at mga opisyal ng barangay na maging aktibong katuwang ng pulisya sa pagpapanatiling malinis at walang sagabal ang mga lansangan, gayundin sa pagsusulong ng disiplina, kaligtasan, at kaayusan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments