
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dumating na sa bansa kahapon, April 16, ang labi ng Pinay na namatay sa missile attack sa Haifa, Israel.
Ayon sa DFA, sinalubong ng kanyang pamilya ang labi ni Lucille Jean Gershovich.
Agad naman na inuwi sa kanilang lalawigan sa Lanao del Norte ang labi ng Pinay.
Samantala, 22 pang mga Pilipino , kasama ang dalawang bata, ang sinamahan ng DMW- Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Team ng Philippine Embassy para makatawid sa Taba Border Crossing palabas ng Israel kahapon, Abril 16.
Pagkarating sa Taba, Egypt, sinalubong sila ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa Cairo at ng OWWA Rapid Response Team.
Mula sa Cairo, sumakay sila ng isang flight na dadaan ng Oman pauwi ng Pilipinas.
Bukas, Abril 18, dadating sa bansa ang naturang repatriates.
Sa kabuuan, 191 na Pilipinong caregivers, hotel workers, mga menor de edad, turista, pilgrims, at mga estudyante ang nakalabas na ng Israel.










