
Iginiit ni House Committee on Women and Gender Equality chairperson at Bataan Rep. Geraldine Roman na isailalim sa “mandatory gender-sensitivity training” ang lahat ng mananalong kongresista sa darating na eleksyon.
Mungkahi ito ni Roman, kasunod ng kontrobersyal na biro o nag-viral na pahayag sa kampanya ng iba’t ibang lokal na kandidato.
Ayon kay Roman, makatutulong ang gender-sensitivity training para makamit ang isang lipunan na tunay “inclusive” at may respeto kung saan walang puwang ang nakagawiang biro o pambabastos at pangungutya sa kababaihan at iba pang indibidwal.
Diin ni Roman, dapat i-angat ang mga talalakayan o mensahe na may kinalaman sa politika.
Paalala ni Roman, silang mga opisyal ng gobyerno at inihalal ng taumbayan ay “leaders” kaya may bigat ang bawat salitang kanilang bibitiwan at dapat din silang maging mabuting halimbawa ng respeto at magandang asal sa kanilang mga anak at susunod na henerasyon.