
Inilabas na ni Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero ang desisyon nito tungkol sa paglabag sa sub judice rule.
Tungkol ito sa naging viral post ni Atty. Amando Ligutan kaugnay sa misleading questions matapos ang naging palitan ng sagot nina Atty. Lorna Kapunan ng prosecution team at Atty. Kristine Ferrer ng defense team.
Bago magbaba ng ruling, sinabi ni Escudero na maaaring ang binabanggit ni Ferrer na pinapayagan na itanong sa korte ay ang leading questions at hindi ang misleading questions na siya namang tinanguan o sinang-ayunan ng abogada.
Sa kanyang ruling, pinaalalahanan ni Escudero ang mga senator-judges na tungkulin nilang sundin ang impartiality at political neutrality na salig sa Konstitusyon at sa ating mga batas gayundin ang proper decorum ng hukom.
Iginiit din ni Escudero ang mahigpit na pagpapatupad sa rule 18 ng senate impeachment court kung saan ang lahat ng partidong saklaw nito, ang mga senator-judges, mga abogado ng prosekusyon at depensa at kahit ang respondent ay hindi pwedeng talakayin ang merito ng kaso sa publiko.
Tinukoy din ng presiding officer na hindi dapat labagin ng mga senator-judges ang sub judice principle na magdudulot ng pagkakahati-hati, magpaningas ng galit, magpalala sa mga contentious issues sa publiko, o magpakita ng imahe na hindi akma sa dignidad ng kanilang posisyon.
Umaasa rin si Escudero na iiwasan ng mga senator-judges ang paghahayag ng mga unparliamentary remarks, personal attacks, improper motives, at paggamit ng mga salitang hindi tama o hindi akma sa dignidad ng paglilitis at parliamentary courtesy sa iba.
Para sa unang paglabag sa Rule 18, ang lahat ng saklaw nito ay mahaharap sa reprimand at admonition o pagsasabihan at paalalahanan sa harap ng korte on record habang multang P30,000 sa bawat paglabag naman sa ikalawang pagsuway at mahaharap din sa parusa at multa ang mga susunod pang violation.










