
Ikinabahala ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang labis na kakulangan sa mga auditor ng Commission on Audit (COA).
Sa budget hearing sa Kamara, inamin ng COA na nananatiling “cause for concern” ang kakulangan ng kanilang auditing manpower.
Sa 716 posisyong naalis sa plantilla ng ahensya, 332 lamang ang pinondohan ng Department of Budget and Management (DBM), habang nasa 400 posisyon pa ang kailangang mapunan.
Ayon kay Cendaña, posibleng maging hamon ang kakulangan ng auditors sa pagbabantay sa paggastos ng gobyerno, partikular sa panukalang P107-billion na pondo para sa flood control projects sa 2027.
Giit ng mambabatas, mahalagang magkaroon ng sapat na auditors ang COA lalo na sa gitna ng mga isyu ng umano’y korapsyon na kinasasangkutan ng mga infrastructure project.










