Kritikal ang isang 25-anyos na magsasaka matapos umanong pagbabarilin ng isang aktibong pulis habang dumadalo sa isang inuman sa Barangay Aliwekwek, Lingayen noong gabi ng Abril 30, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente bandang alas-onse ng gabi kasabay ng pagdiriwang ng pista sa lugar. Bigla umanong dumating ang suspek at pinaputukan ang biktima habang nasa gitna ng pagtitipon. Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa dibdib at ibabang bahagi ng tiyan.
Bandang 12:21 ng madaling araw nang rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pamamaril. Agad na isinugod ang biktima sa isang lokal na ospital bago inilipat sa mas malaking pagamutan sa Dagupan para sa karagdagang gamutan.
Napag-alaman na ang suspek ay isang miyembro ng kapulisan na nakatalaga sa ibang lungsod ngunit residente rin ng Lingayen. Matapos ang insidente, mabilis itong tumakas at kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.
May isang saksi na nakakita sa pangyayari at agad na nagtago para sa kaligtasan. Patuloy itong kinakausap ng pulisya upang makatulong sa imbestigasyon.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit at dragnet operations ang mga awtoridad, kabilang ang pagproseso sa pinangyarihan ng krimen upang makalap ang ebidensya. Pinalawak pa ang operasyon sa tulong ng iba’t ibang yunit ng kapulisan.
Sa kasalukuyan, iniulat ng Pangasinan Police Provincial Office na nasa kustodiya na nila ang suspek.
Samantala, nananatili sa kritikal na kondisyon ang biktima habang patuloy na ginagamot sa ospital. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










