Lalaki na sumaksak sa 4 na magkakaanak sa Antipolo City, kinasuhan na

Nahaharap sa 4 na bilang ng kasong frustrated homicide ang suspek na si Joseph Delda Jamin na nanaksak ng isang mag-anak sa Sitio Kaysakat 2, Brgy. San Jose, Antipolo City.

Sa impormasyon mula kay Antipolo City Police Chief PLtCol Ryan Manongdo, isyu sa utang ang naging mitya ng naturang krimen na nangyari noong Linggo.

Bigo kasing makapagbayad ang pamilya ng utang sa suspek na nagkataong lasing noong naniningil.


Kinilala ang mga biktima na sina Sheryl Renovilla Amaro, Sherylou Santos Renovilla, Michelle Renovilla Amaro, at Leslie Joy Amparado Renovilla.

Sila ay nagtamo ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Pagkatapos ng krimen, agad na tumakas ang suspek na nahuli naman nitong Lunes sa kabundukang bahagi ng Antipolo.

Dinala ang apat na biktima sa Rizal Provincial Hospital System Annex III, Sitio Cabading at kasalukuyang nagpapagaling mula sa mga tinamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Facebook Comments