MGA PROYEKTONG PANG-IMPRUSTRUKTURA PARASA BACAYAO SUR AT TEBENG, DAGUPAN CITY, INILATAG

Ibinahagi sa mga isinagawang Barangay Assembly sa Bacayao Sur at Tebeng sa Dagupan City ang mga nakalinyang proyektong pang-imprastraktura at iba pang programa para sa kapakinabangan ng mga residente.

Sa Barangay Bacayao Sur, kabilang sa mga nakaplanong proyekto ngayong 2026 ang pagsesemento ng pangunahing kalsada gamit ang PCC pavement gayundin ang pagsasaayos at pag-upgrade ng barangay gymnasium at stage.

Para naman sa 2027, nakalatag ang proyektong nagkakahalaga ng ₱18 milyon para sa pag-upgrade ng PCC pavement mula Sitio Boquig hanggang Sitio Tokoc.

Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga kampanya at programa hinggil sa IWAS PAPUTOK, Violence Against Women and Children o VAWC Desk, suporta sa kalusugang pangkaisipan, wastong paghihiwalay ng basura, paghahanda sa El Niño, at mga oportunidad sa trabaho sa sister city na Iwata, Japan.

Naghain din ang konseho ng barangay ng resolusyon na humihiling sa pagtatayo ng dalawang-palapag na aklatan at Child Development Center.

Samantala, sa Barangay Tebeng, kabilang sa mga proyektong nakatakdang isagawa ngayong 2026 ang pag-upgrade ng konkretong kalsada at drainage system sa Sitio Patalan.

Para naman sa 2027, nakaplano ang pagpapaunlad ng lugar na pagtatayuan ng Tebeng Elementary School sa lupang ipinagkaloob nina Cesar Duque at ng pamilya ni Barbiran Salazar.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga kinauukulan sa mga nagbigay ng donasyon ng lupa, na inaasahang makatutulong sa pagpapaunlad ng pasilidad para sa mga mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments