
Cauayan City – Maswerteng nakaligtas ang isang LGU Employee matapos paluin sa ulo ng baseball bat ng kanyang nakaalitan sa Barangay San Vicente, Ilagan City, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Remcy Mansibang, 29-anyos na residente ng Purok 3 San Vicente, Ilagan City, Isabela habang ang suspek naman ay isang construction worker na si alyas “Ron,” 49-anyos, na residente naman ng Purok 2 San Vicente, Ilagan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team kay Police Captain Noralyn Andal, naganap ang insidente sa gilid ng isang covered court kung saan may nagaganap na basketball league.
Parehong nakainom ang dalawa nang magtagpo at muling magkainitan dahil sa dati nilang alitan.
Sa imbestigasyon ng PNP Ilagan, may dala umanong kutsilyo at screwdriver si Mansibang kaya umuwi si Ron upang kunin naman ang kanyang baseball bat.
Maliban kay alyas “Ron”, nakasagutan rin ni Mansibang ang ibang kalalakihang nag-iinuman sa lugar habang siya ay pauwi dahilan upang habulin siya ng mga ito.
Ngunit habang siya ay hinahabol, nakasalubong niya naman ang una nitong nakaalitan na si Ron, at hinataw siya ng baseball bat sa ulo nang dalawang beses.
Agad na tumakas ang suspek matapos bumagsak ang biktima, ngunit kalaunan ay boluntaryong sumuko sa pulisya.
Sa kasalukuyan, patuloy pang ginagamot sa ospital si Mansibang dahil sa natamong head injury.