Nakararanas ngayon ang ilang Pangasinense ng mala-trangkasong sakit dahil sa pababago-bagong panahon at ngayong ber months kung saan patungo sa lumalamig na panahon.
Gaya na lamang ni Arlene na nakararamdam ngayon ng pagkapaos.
Aniya, hirap siya sa kanyang pagtatrabaho bilang nagtuturo ng zumba dahil sa nararanasang sakit.
Nagsusuot na lamang siya ng face mask upang hindi mahawaan ang iba at umiinom na maraming tubig upang maagapan ang sakit.
Isa rin umano si Nanay Loreta sa nakaranas ng mala-trangkasong sakit.
Aniya, mahirap magkasakit lalo may iba pa siyang dinaramdam sa katawan tulad ng highblood.
Ayon sa Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), base sa kanilang historical data, kapag nagsimula na ang pag-uulan at tungo na sa malamig na panahon ay inaasahan na umano ang pagtaas ng kaso ng mala-trangkasong sakit.
Nagbigay abiso na rin ang DOH Ilocos Region ukol sa epekto ng panahon sa pagkalat ng sakit.
Ang pabago-bagong panahon umano ay hindi direktang sanhi ng impeksyon, ngunit posibleng madaling kumalat dahil sa malamig na panahon.
Kaya naman pinapayuhan ang publiko na ibayuhin ang pag-iingat at pangangalaga sa katawan upang maiwasang magkasakit ngayong ber months. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







