Nakiisa ang iba’t ibang local government units (LGUs), mga ahensya ng pamahalaan, paaralan, at pribadong sektor sa Pangasinan sa isinagawang 2nd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong Huwebes, June 18, bilang bahagi ng pagpapatibay ng kahandaan ng komunidad laban sa lindol at iba pang kalamidad. Isinagawa ang sabayang “Duck, Cover, and Hold” drill alas-9 ng umaga kasabay ng iba’t ibang panig ng bansa.
Kabilang sa mga nakilahok ang mga lungsod ng Dagupan, San Carlos, Urdaneta, Alaminos, gayundin ang mga bayan ng Lingayen, Manaoag, Mangaldan, Calasiao, Binmaley, Bayambang, Malasiqui, at iba pang munisipalidad sa lalawigan.
Layunin ng aktibidad na masuri ang kahandaan ng mga tanggapan at mamamayan sa oras ng malakas na lindol, mapahusay ang koordinasyon ng mga responder, at mapalakas ang kultura ng disaster preparedness sa mga komunidad. Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), bahagi rin ito ng paghahanda sa posibleng pagtama ng tinatawag na “The Big One” at iba pang malalakas na pagyanig sa bansa.
Sa Pangasinan, isinagawa ng mga kalahok ang wastong earthquake response procedures at evacuation drills upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa sakaling magkaroon ng aktuwal na sakuna. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







