LGU MANGALDAN, PINABULAANAN ANG KUMAKALAT NA POST TUNGKOL SA CASH ASSISTANCE; VLOGGER, HUMINGI NG PAUMANHIN

Pinabulaanan ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang kumalat na Facebook post na nagsasabing magkakaroon umano ng pamimigay ng cash assistance sa Municipal Hall noong Agosto 12, 2026.

Ayon sa LGU Mangaldan, walang nakatakdang pamamahagi ng cash assistance sa ikalawang palapag ng Municipal Hall sa naturang petsa at wala ring inilabas na opisyal na anunsiyo ang Office of the Mayor kaugnay nito.

Nilinaw naman ng lokal na pamahalaan na may regular itong Financial Assistance Program para sa mga residenteng nangangailangan at nakapagsumite ng kumpletong kinakailangang dokumento.

Gayunman, nakadepende sa availability ng pondo ang pagbibigay ng tulong at walang nakapirming iskedyul ng pamamahagi.

Dahil dito, pinaalalahanan ng LGU ang mga content creator, vlogger at iba pang gumagamit ng social media na beripikahin muna ang impormasyon bago maglabas o magbahagi ng anunsiyong may kaugnayan sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

Samantala, personal namang humingi ng paumanhin ang vlogger na si Marlon “Boss Mac” Galang kay Mangaldan Mayor Bona Fe De Vera-Parayno kaugnay ng kanyang Facebook post tungkol sa umano’y pamamahagi ng cash assistance.

Inamin at ipinaabot ni Galang ang kanyang paghingi ng paumanhin kaugnay ng maling at hindi beripikadong impormasyon na kanyang naipost.

Kasunod ng insidente, nagpaalala si Mayor De Vera-Parayno at ang Mangaldan Police Station sa publiko na sumangguni lamang sa mga opisyal na communication channels ng LGU Mangaldan at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan bago paniwalaan o ibahagi ang mga anunsiyo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments