MAHIGIT LIMANG TONELADANG BASURA KADA ARAW, HAMON SA BONUAN BINLOC; RESIDENTE HINIKAYAT NA MAG-SEGREGATE

Mahigit limang tonelada ng basura kada araw ang nakokolekta sa Barangay Bonuan Binloc, Dagupan City, dahilan upang paigtingin ng barangay ang panawagan para sa tamang waste segregation.

Ayon sa barangay, bagama’t isinasagawa ang paghihiwalay ng mga nakokolektang basura sa kanilang Material Recovery Facility o MRF, mas mapapabilis at mapapadali ang proseso kung manggagaling na mismo sa mga kabahayan at establisimyento ang wastong paghihiwalay ng basura.

Dahil sa malaking volume ng basurang nakokolekta araw-araw, hamon para sa barangay ang pagbabawas ng dami at bigat ng mga basurang kailangang dalhin para sa disposal.

Layunin ng mas mahigpit na pagpapatupad ng segregation na mabawasan ang residual waste at mailayo sa disposal ang mga basurang maaari pang i-recycle o mapakinabangan.

Makakatulong din umano ito upang mapagaan ang trabaho ng mga waste segregator na kasalukuyang naghihiwalay ng basura sa MRF.

Dahil dito, hinihikayat ang bawat kabahayan at establisimyento na simulan ang segregation sa mismong pinagmumulan ng basura sa pamamagitan ng magkakahiwalay na pagtatapon ng recyclable, biodegradable at residual waste.

Binigyang-diin ng barangay na hindi lamang responsibilidad ng mga waste collector at segregator ang problema sa basura, kundi nangangailangan ito ng pakikiisa ng bawat residente upang mabawasan ang basurang kailangang kolektahin at itapon araw-araw. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments