
Nakatakdang makipagdiyalogo ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) sa bagong kalihim ng Department of Transportation na si Vince Dizon.
Kasunod ito ng pangako ni Secretary Dizon na bukas siya sa mga konsultasyon sa transport sector.
Nangako umano si Dizon na ipagpapatuloy ang mga napasimulang programa ng dating kalihim na si Jaime Bautista.
Sa naturang dialogue, ihahain ng grupo ang pagtanggal sa joint administrative order na nagpapataw ng labis na mga fines and penalties sa mga violation ng mga public utility vehicle.
Ayon sa LTOP, nagsisilbi lang umano itong gatasan ng mga tiwaling law enforcers.
Ilalatag din ng grupo ang iba’t ibang programa na makakatulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga manggagawa ng pampublikong transportasyon.
Ayon kay LTOP President Ka Lando Marquez, kabilang sa kanilang ilalapit kay Dizon ay ang pagkakaloob ng security insurance coverage sa mga driver member ang pagtatayo ng driver’s village o housing projects sa lahat ng mga kwalipikadong drivers.
Gayundin, ang pagkakaloob ng scholarship program sa mga anak ng mga driver.