
Agarang naresolba ng Malasiqui Municipal Police Station (MPS) ang isang insidente ng pamamaril na naganap noong May 1, 2026 sa Barangay Tambac, Malasiqui, Pangasinan, ayon sa ulat ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO).
Sa inisyal na imbestigasyon, dalawang indibidwal ang nasugatan sa naturang insidente na isang 35 anyos na lalaki at isang 27 anyos na babae mula sa Capas, Tarlac. Kapwa nagtamo ng tama ng bala ang mga biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na nagsimula ang insidente sa mainit na pagtatalo kaugnay ng reklamo sa maingay na muffler ng isang motorsiklo, na kalaunan ay humantong sa marahas na komprontasyon at pamamaril.
Mabilis na nagsagawa ng koordinadong operasyon at follow-up ang mga tauhan ng Malasiqui MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto ng limang suspek na pawang nasa hustong gulang at residente ng nasabing bayan. Dalawa sa mga ito ang nahuli sa operasyon ng pulisya, habang ang tatlo ay kusang sumuko.
Dahil sa masusing imbestigasyon at matibay na ebidensya, nagsampa ng kasong Attempted Murder at Frustrated Murder laban sa mga suspek. Itinakda ang piyansang ₱120,000 para sa bawat bilang ng Attempted Murder at ₱72,000 para sa Frustrated Homicide.
Bukod dito, nahaharap din ang mga suspek sa kasong Trespassing na may kaukulang piyansang ₱3,000 bawat isa.
Tiniyak din ng pulisya sa publiko ang patuloy na pagpapatupad ng mas pinaigting na operasyon upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa buong lalawigan ng Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










