
Nasawi ang isang 37 anyos na lalaki matapo na malunod sa bahagi ng Purok Riverside, Barangay Bacnit, Mabini, Pangasinan.
Kinilala ang biktima bilang isang caretaker ng resort at residente ng nasabing bayan. Batay sa imbestigasyon, kasama ng biktima ang kanyang pamilya nang magtungo sila sa ilog upang maglaba at maligo.
Habang nasa lugar, isang 13 anyos na bata ang nahirapang lumangoy at muntik nang malunod. Kaagad itong sinaklolohan ng biktima at dinala sa ligtas na bahagi ng ilog.
Gayunman, matapos ang pagsagip, napagod umano ang biktima hanggang sa tuluyang lumubog at malunod.
Napansin ang insidente ng isang saksi na agad humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay. Nakipag-ugnayan ang mga ito sa Mabini Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsagawa ng search and retrieval operation.
Makalipas ang mahigit isang oras, natagpuan ang biktima sa ilog na may tinatayang lalim na 16 talampakan.
Agad itong dinala sa Rural Health Unit ng Mabini ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.
Tinanggap naman ng pamilya ng biktima na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay pagkalunod at walang indikasyon ng foul play. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










